



Trigger warning: violence
Pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol nito sa tatlong pulis dahil sa pagpaslang kay Kian delos Santos noong 2017.
Ang 17-anyos na binata ay pinagbabaril nina police officers Arnel Oares, Jeremias Pereda, at Jerwin Cruz sa kanilang anti-drug operation sa Caloocan walong taon na ang nakalilipas.
Sa 40-page decision na isinapubliko ng Supreme Court Second Division nitong Lunes, December 22, 2025, ang tatlong pulis ay hinatulan ng reclusion perpetua o hanggang 40 years na pagkakakulong.
Inutusan din ang mga ito na magbayad ng PHP275,000 sa pamilya ng nasawing binata.
Read: Kian delos Santos supporters on 8th death anniversary: “Wag kalimutan”
Sa ulat noong August 16, 2017, hinarang at kinapkapan ng mga pulis si Kian sa Baesa, Quezon City at nakuha raw mula sa kanya ang umano’y iligal na droga. Binugbog ng mga pulis ang binata habang nagmamakaawa itong payagan na siyang umuwi dahil may exam kinabukasan.
Inutusan din siyang hawakan ang tuwalya na ipinantikip sa baril at pinatayo siya habang natatakpan ng t-shirt ang ulo.
Dinala ng mga pulis ang binata sa madilim na lugar malapit sa ilog at pinaputukan ng baril nang maraming beses nina Oares at Pereda, habang nagbantay naman si Cruz.
Tumanggi ang mga pulis na akuin ang pananagutan at dumepensang tumugon lamang sila sa drug activity sa lugar.
Subalit sa imbestigasyon ng Regional Trial Court, Court of Appeals, at Korte Suprema, natagpuan na lahat ng elemento ng murder sa pangyayari, at walang pagkakataon si Kian na ipagtanggol ang sarili, ulat ng DZMM Teleradyo.
Sinabi rin ng Korte Suprema na hindi maituturing na depensa ang pagganap nila ng kanilang tungkulin sapagkat hindi kailanman bahagi ng legal operations ng pulisya ang pagpatay sa isang menor de edad.
Read: