



Patung-patong na reklamo ang inihain sa Office of the Ombudsman ng isang national movement laban kina dating Finance Secretary at ngayon ay Executive Secretary Ralph Recto at former PhilHealth President Emmanuel Ledesma.
Plunder, graft, malversation, at grave misconduct ang mga reklamong inihain ng grupong Save the Philippines Coalition laban kina Recto at Ledesma sa Office of the Ombudsman, noong Lunes, December 22, 2025.
Kaugnay ito ng pagdeklara ng Supreme Court (SC) na paglabag sa batas ang paglipat ng halos PHP90 billion excess funds ng PhilHealth sa National Treasury upang pondohan ang ibang government projects.
Noong 2024, tuluyang nailipat sa National Treasury ang PHP60 billion excess funds ng PhilHealth, habang napigilan ng mga petisyon sa korte ang paglipat ng natitira pang PHP29.9B, ulat ng GMA Integrated News.
Inilabas ng Korte Suprema ang utos nitong pagsauli ng PHP60 bilyon sa PhilHealth noong unang linggo ng Disyembre.
Paliwanag naman ng Save the Philippines Coalition, si Recto ang main plunderer dahil siya ang finance secretary noon at siya ring naglabas ng Executive Order ng Finance Department na-nag uutos sa government-owned-and-controlled corporation (GOCC) para maging posible ang paglilipat ng pondo.
Saad ng complainant na si Elmer Jugalbot: “’Yung desisyon kasi ng Korte Suprema, it became the premise of our case kasi yung desisyon ng Korte Suprema is just the constitutionality of the transfer.
“Ang plunder component diyan ay, by virtue of his position, si [former] DOF Sec. Recto…”
Dawit si Ledesma dahil siya ang PhilHealth president noon at hinayaan niya umano itong mangyari.
Dapat ay ilalagak ang bilyun-bilyong pondo para sa pag-i-improve ng services ng PhilHleah o kaya ay pagpapababa sa contribution ng mga miyembro.
Sabi pa ng koalisyon, ang pag-transfer ng pondo ay paglabag sa PhilHealth charter at sa Universal Health Care law, ulat ng ABS-CBN News.
“Kasi nga, the tenet of the law, the spirit of the law is universal coverage, meaning lahat tayo should be covered by PhilHealth. Paano ngayon yan?” katuwiran ni Jugalbot.
“Instead na maghahanap sila ng pondo para tustusan ang PHP178 billion na kailangan para ma-cover lahat ng mga Pilipino ay kinunan pa nila ng PHP60 billion.”
Isasailalim sa pag-aaral ng Office of the Ombudsman ang reklamo.
May reaksiyon naman si Recto kaugnay ng mga reklamong isinampa laban sa kanya.
“I respect every citizen’s right to seek redress before the courts and will fully cooperate with the Office of the Ombudsman during the conduct of preliminary investigation,” pahayag nito sa ABS-CBN News.
Handa raw siyang bigyang linaw ang mga reklamong inihain laban sa kanya ng Save the Philippines Coalition.
Read: Supreme Court orders immediate return of PHP60B to PhilHealth
Sa utos nitong ibalik ang PHP60B sa PhilHealth noong unang linggo ng Disyembre, sinabi ng Mataas na Hukuman na “void” o unconstitutional ang naging basehan ng gobyerno sa ginawang paglipat ng PHP60-B funds sa National Treasury
Idineklara ng SC na walang bisa ang Special Provision 1(d), Chapter XLIII ng 2024 General Appropriations Act (2024 GAA), at ang Circular No. 003-2024 ng DOF na siyang naging basehan para mailipat ang PhilHealth funds sa National Treasury.
Sabi ng Korte Suprema, nakitaan nila ng “grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction” ang pagpapatupad dito.
Tumanggi noon ang Korte sa hiling ng petitioners na matukoy ang pananagutan ni Recto para sa reklamong technical malversation o plunder.
“The Supreme Court said that this was not the proper proceeding to determine the criminal liability of the secretary of Finance,” pahayag ni Atty. Camille Ting, SC spokesperson.