



Wala sa isip ni Emilio Daez ang makipagkompetisyon sa kapwa niya Pinoy Big Brother Celebrity Collab housemates.
Ratsada ang karamihan sa kanila lalo na ngayong 2025 Metro Manila Film Festival.
“Wala talaga. Hindi maiiwasan yun sa industriya natin, pero at the end of the day, we’re still a family. Yun talaga yun, yun ang pinanghahawakan namin,” saad ni Emilio sa solong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Ayon kay Emilio, masaya siya sa mga magagandang nangyayari sa career ng mga dating kasama.
“Mga kapatid ko ang mga yun, lahat sila. I love them and I miss them so much. Nagtatrabaho silang lahat. Of course, I’m wishing them well parati.”
Solo actor at walang ka-loveteam ang tinatahak ngayon ni Emilio sa showbiz.
Si Emilio ay co-host sa iWant ASAP at bahagi rin ng MMFF 2025 entry na Bar Boys After School.
Siya ay bahagi ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.
Lahad ng 25-year-old actor: “Sa tingin ko ina-accept ko lang yung mga projects na binibigay sa akin.
“In terms of loveteam naman, open naman ako. But I think that’s up to my management na what will happen in the future. It’s something that I cannot control.
“Right now, I just focus kung ano ang mga binibigay sa akin,” saad ni Emilio.
Si Emilio ay kapatid ng Kapuso actor na si Mikael Daez.
Paano siya sinusuportahan ng kapatid sa kanyang karera?
“Sobra niya akong tinutulungan sa lahat ng mga ginagawa ko. He’s my No. 1 supporter.
“I love my brother and he’s helping me throughout this whole journey. Kahit di nakikita sa social media, he’s always there for me.”
Read: Richard Gomez speaks up about altercation with PH fencing chief
Nakapanayam ng PEP si Emilio sa presscon ng Bar Boys After School noong December 3, 2025.
Ang Bar Boys After School ay sequel ng Bar Boys na unang pinalabas sa Pista Ng Pelikulang Pilipino noong 2017.
Bida rito sina Carlo Aquino, Rocco Nacino, Kean Cipriano, at Enzo Pineda.
Dagdag naman sa sequel ang si Emilio at kapwa PBB housemates niya na sina Will Ashley at Klarisse de Guzman.
“Sobrang saya ko rin na makasama ako sa Bar Boys kasi fan ako ng original Bar Boys.
“It’s my first ever Metro Manila Film Festival entry, and yun, sobrang saya ko.
“Pinapangarap yun ng lahat ng mga artista sa industriya. The fact na nakapasok kami is a big blessing and we’re grateful. Sana suportahan nila kami.”
Kuwento pa ni Emilio, bilib siya sa galing sa pag-arte ni Carlo at veteran actress na si Odette Khan.
“Grabe, sobrang galing niyang artista. Although wala akong eksena na kasama si Kuya Carlo, I see a lot of the clips na umaarte siya and sobrang galing niya. Just watching him, ang dami ko nang natutunan sa kanya.
“Wala rin akong eksena with Ms. Odette pero makikita mo talaga yung glam, makikita mo yung pagiging fierce ni Ms. Odette, yung thirty years ni Kuya Carlo. Grabe, it’s a work of art talaga. Sana makatagal din ako ng ganun.”
Read: Carla Abellana, kumpirmadong tuloy ang kasal sa December 27
Sa huli, sinabi ni Emilio na hiling niya na magtuluy-tuloy ang pasok ng trabaho hanggang 2026.
“Blessing na marami akong ginagawa ngayon and napapaligiran ako ng sobrang huhusay na mga artista at mahusay na direktor.
“It’s a dream come true talaga. Talagang gagalingan ko every project.
“Yung goal ko is always mag-improve, sana magustuhan ninyo yung Bar Boys.”
Kasama rin sa Bar Boys After School sina Glaiza de Castro, Sassa Gurl, at Therese Malvar.
Iprinodyus ito ng 901 Studios at ang director ay si Kip Oebanda.